"Wala kayong utang na loob kahit kanino (lalo na sa politiko) dahil pera ito ng taumbayan."
Bahagi ito ng mensahe ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa dumaraming scholars ng lungsod.
Pinost ito sa Twitter ng 31-year-old local executive kagabi, November 6, 2020, at viral na ito ngayong araw, November 7.
Sa idinaos na general assembly ng Pasig scholars nitong Biyernes, ibinalita ni Mayor Vico na may kabuuang 18,200 estudyante na libreng pinapaaral ng siyudad.
Bukod pa ito sa 50 bagong "Arts and Design scholars," na kabilang na rin sa mga nakatakdang tumanggap ng cash cards mula sa pamahalaang lungsod.
"NAIILANG AKO DAHIL HINDI KO PERA TO"
Sa isang tweet para sa mga estudyante, ipinaliwanag ni Mayor Vico na hindi tamang ipagpasalamat at tanawing utang na loob sa mga pulitiko ang libreng pagpapaaral ng gobyerno.
Pera naman daw kasi ng mga taxpayers ng bansa—at hindi nanggaling sa bulsa ng mga pulitiko—ang ginagastos sa edukasyon ng mga scholars.
Paglilinaw ni Mayor Vico, bagamat "na-a-appreciate" niya ang mga pasasalamat ng mga scholars sa kanya, "naiilang ako dahil hindi ko pera to."
Sa huli, pinayuhan ng alkalde ang Pasig scholars kung ano ang maaaring gawin ng mga ito bilang pasasalamat sa libreng edukasyon.
"Mag-aral lang kayo nang mabuti, sulit na ang investment ng Pasig sa inyo," ang payo ng alkalde sa mga estudyante.
MAYOR VICO TRENDS AGAIN
Maghapong trending sa Twitter ngayong Sabado, November 7, ang post na ito ni Mayor Vico.
Hindi naiwasan ng ilang netizens na ikumpara ang alkalde sa ibang pulitiko, na tinawag nilang "epal" at "kini-claim yung credit" sa mga proyektong para sa taumbayan.
Hiling naman ng iba ay lahat daw sana ng pulitiko sa Pilipinas ay may "mindset" na katulad ng kay Mayor Vico.
Kung lahat daw ng public servant sa bansa ay katulad ng Pasig mayor, "sarap mabuhay sa Pinas."
Mayroon ding ilan na hinihimok si Mayor Vico na kumandidato sa national level—at puntiryahin ang Malacanang.
A POLITICIAN FROM THE SOTTO CLAN
Si Mayor Vico ay anak ng TV host-comedian na si Vic Sotto at ng veteran actress na si Coney Reyes.
Dati siyang konsehal ng Pasig, at noong 2019 ay nahalal sa una niyang termino bilang alkalde.
Bagamat maituturing na bagito sa pulitika, sa kanyang unang taon bilang Pasig mayor ay puring-puri ang netizens sa makabagong brand ng leadership ni Mayor Vico, na nagmula sa kilalang political clan ng mga Sotto.
Apo si Mayor Vico ng magkapatid na dating senador na sina Vicente (1877-1950) at Filemon Sotto (1872-1966).
Tiyuhin niya si Senate President Tito Sotto at pinsan ang anak ng senador, si incumbent Quezon City Vice Mayor Gian Sotto.
No comments:
Post a Comment