Dumulog si Arnell Ignacio nitong Mayo 22, Biyernes ng umaga, sa Imus City Prosecutor’s Office sa Cavite para kasuhan si Mystica.
Napag-alaman ni Arnell na taga-General Trias, Cavite, si Mystica, kaya sa Imus City niya isinampa ito ng tatlong reklamo.
Ito ay ang inciting to sedition, cyberlibel, at violation sa Bayanihan To Heal As One Act.
Ibinase ni Arnell ang reklamo sa videos ni Mystica sa socmed na minumura si Pangulong Rodrigo Duterte, at niyaya si Vice-President Leni Robredo na magtipon na para raw palitan ang Pangulo na wala na raw karapatang mamuno.
Post ni Arnell, na isang Duterte supporter, sa Facebook nitong Biyernes ng tanghali, May 22:
"Kapag seryoso ang issue e file na ako ng case. Hindi talakan lang sa FB.
"Hindi mo puede mura-murahin si presidente nang ganun-ganun lang at aatungal ka pagkatapos.
"Mas malala, nagyaya ka pa na pabagsakin ang gobyerno imbis na tumulong ka na lang.
"Yung pagmumura mo naman e parang PERSONAL ang kasalanan sa iyo, e.
"Kahit man lang sana sa edad nung tao e binigay mo na kahit katiting na paggalang."
GORGY RULA
Nakausap ko si Arnell kanina sa phone pagkatapos niyang mag-file ng reklamo.
Noon pa raw niya gustong idemanda si Mystica dahil sa mga pinagsasabi nito laban kay President Duterte.
"Noon ko pa gusto siyang kasuhan, e.
"Sabi ko, tapusin lang ‘tong ECQ, kakasuhan ko talaga ‘yan.
"Nagsalita siya na hindi maganda, e, yung gusto niya talagang guluhin ang gobyerno.
"Hindi lang nila alam kung gaano kahirap ang ginagawa ngayon ng mga nasa gobyerno, tapos guguluhin niyo pa?" saad ni Arnell.
Ang tingin ng kampo ni Arnell, pinaiingay ni Mystica ang kanyang video rant para makaipon ng maraming likes at followers ang kanyang blog.
NOEL FERRER
And this is really all happening habang tayo ay may pandemya?
God bless our country talaga!
Ang sana maliwanagan ko, kakasuhan ni Arnell si Mystica dahil minura nito ang Presidente? Samantala, ang Presidente ay kilala sa pagmumura?
Ang pulpito ni Mystica ay mangilan-ngilang sulok ng social media; ang pulpito ng Presidente ay ang buong bansa.
Paano naging tagilid ang lagay ng Presidente na kinailangan siyang ipagtanggol ni Arnell?
Napakalaking tao ng Presidente, malawak ang kapangyarihan, maraming paraan upang maituwid nito ang mga maling akala sa kanya.
Kailangang mag-file ng kaso ni Arnell laban sa isang maliit na taong maingay na gaya ni Mystica?
Gusto ba ni Arnell ipakulong ang lahat ng may ayaw sa Presidente?
O sa tingin ni Arnell ay dapat manahimik ang mga may angal dahil ang pagmumura ay karapatan lamang ng isang Presidente?
May COVID-19 man o wala, parang kailangang ipaliwanag ng kaibigang Arnell ang kanyang posisyon, dahil nais nating maintindihan ang intensyon niya rito.
No comments:
Post a Comment