Matapos ang isang taon at tatlong buwan, humingi ng paumanhin ang ABS-CBN broadcaster na si Karen Davila kay Senator Manny Pacquiao.
Sa programa niyang Headstart sa ANC nitong nakaraang Huwebes, May 7, 2020, minabuti ni Karen na personal na humingi ng dispensa sa Pambansang Kamao dahil sa “manner of questioning” nito noong nakaraang taon.
Noong February 20, 2019, sa kaparehong programa, tinanong ng broadcaster si Pacquiao kung sang-ayon ba ito sa panukalang dapat ay college-degree holder ang mga senador at presidente.
Ang sagot ni Manny, "Ah, sa akin, sang-ayon naman ako dun."
Sunod na tanong ni Karen, "Pero kung gano'n, baka hindi ka na mag-qualify," na ang tinutukoy ay ang pagtakbo sa posisyon sa gobyerno.
Ani Manny, "Hindi, nag-aaral ako."
Sunud-sunod ang tanong ni Karen kung may degree na si Pacquiao, anong eskwelahan, at saang eskwelahan.
Nitong nakaraang Huwebes, ang sabi ni Karen, “The last time we had an interview… this is my personal effort to let you know, there was a bit of a misunderstanding noong pinag-usapan natin na nagtatapos kayo ng kolehiyo.
“I wanna take this opportunity kasi marami pa rin po, who I think misunderstand and feel na I was condescending toward you.
“And I want you to know, Senator Manny, matagal na po… I’ve admired you for so long.
“And I’ve worked with you personally for Habitat, and kung meron pong ganoon na nakarating po sa inyo, I want you to know po, Senator, that it was never my intention as an interviewer and as a journalist.”
Dahil sa mga sinabi noon ni Karen, inulan siya ng batikos sa social media nang tatlong araw.
Naging “unprofessional,” “bastos,” at “rude” daw kasi si Karen kay Manny na isang senador.
Makalipas ang halos sampung buwan mula noong February 2019 interview ni Karen sa senador, nagtapos si Pacquaio ng Bachelor of Arts in Political Science - Local Government Administration sa University of Makati.
MANNY: “HINDI AKO NASAKTAN DIYAN…”
Tugon ni Senator Pacquiao sa sinabi ng Headstart host, “Karen, thank you for clarifying that issue.
“On that time, na nagkaroon ng issue ng ganun, deep in my heart, I have no…I am not hurt of that question that you asked me.
“Hindi ako nasaktan diyan kung ano man, wala sa isip ko yun, dahil totoo naman, hindi ko dapat i-announce yung… nag-aral ako that time. Nag-aaral ako.
“That time, hindi ko puwedeng i-announce ang school na pinapasukan ko baka sabihin nila, 'A, nagyabang na naman ito.'
“Pinapakita ko na lang na malapit na ako mag-graduate dun sa pag-aaral ko, for how many years yung informal study ko, matagal din yun, and sa wakas natapos din.
“And then, thank you for clarifying that, wala 'kong sama ng loob sa iyo.
"Nagpapasalamat ako that you asked me that question..."
ABS-CBN FRANCHISE
Ang pinag-usapan nina Karen at Senator Manny sa kabuuan ng panayam nilang ito ay ang tungkol sa nagwakas na prangkisa ng ABS-CBN.
Isa si Senator Manny sa umaasang pakiusapan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang NTC upang mabigyan ng provisional authority ang ABS-CBN.
Saad niya sa panayam, “I’m hoping, I'm praying na hipuin ng Panginoon ang Pangulo na tulungan at kausapin ang NTC na bigyan ng provisional authority to operate while the pending renewal bill is dinidinig ng lower House at Senate.
"Dito sa pag-o-operate ng ABS-CBN, may magagawa naman ang Pangulo.
"Dito sa pagsasara di naman natin pwede sisihin ang Pangulo sa naging desisyon ng NTC."
Nawalan ng free-to-air TV ang ABS-CBN nang makatanggap ito ng Cease and Desist Order mula sa NTC dahil sa napasong prangkisa nito noong nakaraang May 4, 2020.
---
So what can you say about this one? Let us know your thoughts in the comment section below, and don't forget to share this post to your family and friends online. And also, visit our website more often for more updates.
No comments:
Post a Comment